Ang Paliwanag

Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay.

Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.

Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”

Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?”

Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”

Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon: ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita; ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain; at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita. Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon. Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”

Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya, ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba. Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios. At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako. Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan. Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod. Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay, at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’

“Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. Itinaas siya sa kanan ng Dios. At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya, ‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon: Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”

Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo, at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”

Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Pagpili ng Pinuno

Minamahal kong Teofilus: Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain hanggang sa araw na dinala siya sa langit.

Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”

Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”

Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.

Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”

Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”

(Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.)

Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo, ‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan, at dapat walang tumira roon.’ At nasusulat din, ‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’

“Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.”

Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas. At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Kagalakan at Pagkamangha

Madaling-araw ng Linggo, pumunta ang mga babae sa libingan dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila sa libingan, nakita nilang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Kaya pumasok sila sa loob, pero hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus.

Habang naguguluhan sila sa pangyayari, bigla silang nakakita ng dalawang lalaking nakakasilaw ang damit, at nakatayo sa tabi nila. At dahil sa takot, napayuko sila sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay dito sa mga patay? Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Hindi ba sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa masasamang tao at ipako sa krus, pero mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw?” At naalala ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus.

Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa 11 apostol at sa iba pa nilang kasamahan. Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila, pero hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae. Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang telang linen na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.

Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad. Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin.

Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.”

Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?”

At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel mula sa kamay ng mga taga-Roma. Pero ikatlong araw na ngayon mula nang pinatay siya. Pero nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buhay si Jesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mga mangmang kayo! Ang hirap ninyong papaniwalain sa lahat ng sinabi ng mga propeta sa Kasulatan. Hindi baʼt ang Cristo ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Dios?” At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.

Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Jesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. Pero pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumama siya sa kanila.

Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus. Pero bigla siyang nawala sa kanilang paningin. Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”

Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang 11 apostol at ang iba pa nilang kasamahan. Pinag-uusapan nilang, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro.” Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.

Habang pinag-uusapan nila ito, nagpakita si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila, at binati sila, “Sumainyo ang kapayapaan!”

Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila ay multo ang nakita nila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot? At bakit kayo nag-aalinlangan? Ako talaga ito. Tingnan ninyo ang mga bakas ng mga pako sa mga kamay at paa ko. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Hindi ako multo. Ang multo ay walang laman at buto pero ako ay mayroon.”

Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Sa kagalakan nila at pagkamangha, halos hindi pa rin sila makapaniwala. Kaya tinanong sila ni Jesus, “Mayroon ba kayong pagkain dito?” Binigyan nila si Jesus ng isang hiwa ng inihaw na isda. Kinuha niya iyon at kinain sa harap nila.

Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga isinulat ng mga propeta at sa mga Salmo.”

At binuksan ni Jesus ang isip nila upang maunawaan nila ang Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ayon sa Kasulatan, kailangang magtiis ng hirap at mamatay ang Cristo ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. At dapat ipangaral sa buong mundo, mula sa Jerusalem, na sa pamamagitan niyaʼy patatawarin ng Dios ang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Isusugo ko sa inyo ang Banal na Espiritung ipinangako ng Ama, kaya manatili muna kayo rito sa Jerusalem hanggang sa dumating sa inyo ang kapangyarihan mula sa langit.”

Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa Betania. Pagdating doon, itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. At habang pinagpapala niya sila, iniwan niya sila at iniakyat siya sa langit. Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na punong-puno ng kagalakan. At palagi silang nasa templo na nagpupuri sa Dios.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Ang Pagkamatay ni Jesus

Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus.

Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan, ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?”

Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus.

Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!”

Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!”

Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!”

Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.”

Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga.

Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Dios at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib. Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari.

May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios. Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.

Sinundan si Jose ng mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Maling Desisyon

Samantala, kinutya at binugbog si Jesus ng mga nagbabantay sa kanya. Piniringan nila siya at sinuntok, at tinanong, “Hulaan mo, sino ang sumuntok sa iyo?” At marami pa silang sinabing masama laban sa kanya.

Kinaumagahan, nagtipon ang mga pinuno ng mga Judio, mga namamahalang pari, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap nila si Jesus sa kanilang korte. Sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, ikaw ba ang Cristo?”

Sumagot si Jesus, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. At kung tatanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. Ngunit mula ngayon, ako na Anak ng Tao ay uupo na sa kanan ng makapangyarihang Dios.”

“Kung ganoon, ikaw nga ang Anak ng Dios?” sabi nila.

Sumagot si Jesus, “Kayo na rin ang nagsabi na ako nga.”

Kaya sinabi nila, “Narinig na natin ang sinabi niya, ano pang ebidensya ang kailangan natin?”

Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato. At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!”

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.”

Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!”

Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus. At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.

Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala. Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot. Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus. Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Jesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato.

Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.

Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.)

Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus. Pero patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”

Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!”

Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Pero ibinigay niya si Jesus sa kanila para gawin ang gusto nila.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Pagkakanulo at Pagdakip

Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti. Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.

Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Si Judas na isa sa 12 tagasunod ang nangunguna sa kanila. Nilapitan niya si Jesus at hinalikan. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, tinatraydor mo ba ako, na Anak ng Tao, sa pamamagitan ng isang halik?”

Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?” At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito.

Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito.

Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”

Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!”

Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.”

Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?”

“Aba, hindi!” sagot ni Pedro.

Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.”

Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!”

At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Pagdating ng Oras

Nalalapit na noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang maipapatay si Jesus ng hindi magkakagulo, dahil natatakot sila sa mga tao.

Pumasok si Satanas kay Judas na tinatawag na Iscariote. Isa siya sa 12 tagasunod ni Jesus. Pumunta siya sa mga namamahalang pari at mga opisyal ng mga guwardya sa templo, at pinag-usapan nila kung paano niya maibibigay sa kanila si Jesus. Natuwa sila at nakipagkasundo kay Judas na bayaran siya. Pumayag naman si Judas sa kasunduan, at mula noon, humanap siya ng pagkakataon upang maibigay sa kanila si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao.

Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. At sa araw na ito, kailangang maghandog ang mga Judio ng tupa na kakainin nila sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Ihanda ninyo ang hapunan natin para sa Pista ng Paglampas ng Anghel.”

Nagtanong sila, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda?”

Sumagot si Jesus, “Pagpasok ninyo sa lungsod ng Jerusalem, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasan na banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ Isasama niya kayo sa itaas at ituturo sa inyo ang isang malaking kwarto na kumpleto ang kagamitan. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.”

Lumakad sila at nakita nga nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.”

Pagkatapos, kumuha siya ng inumin, nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios”

Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”

Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.

“Ngunit makinig kayo! Kasalo ko sa mesang ito ang taong magtatraydor sa akin. Sapagkat ayon sa itinalaga ng Dios, Ako na Anak ng Tao ay papatayin, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin.” Nagtanungan sa isaʼt isa ang mga tagasunod niya kung sino kaya sa kanila ang gagawa noon.

Nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Sa mundong ito, ang mga hari ay pinapanginoon ng mga nasasakupan nila, at ang mga may kapangyarihan ay gustong tawagin na ‘Tagatulong ng mga Tao.’ Ngunit hindi kayo dapat maging ganoon. Ang mas mataas ay dapat magpakababa, at ang pinuno ay dapat maging tulad ng isang tagapaglingkod. Sapagkat sino ba ang mas mataas, ang pinaglilingkuran o ang naglilingkod? Siyempre, ang pinaglilingkuran. Ngunit naglilingkod ako sa inyo kahit na ako ang Panginoon ninyo.”

“Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok na dinaranas ko. Kaya kung paanong binigyan ako ng aking Ama ng kapangyarihang maghari, kayo rin ay bibigyan ko ng ganoong kapangyarihan. Makakasalo ko kayo sa aking mesa sa aking kaharian, at uupo kayo sa mga trono upang mamahala sa 12 lahi ng Israel.”

Sinabi ni Jesus kay Pedro. “Simon, makinig kang mabuti! Humingi ng pahintulot si Satanas sa Dios na subukin niya kayong lahat tulad ng pag-aalis ng ipa sa mga trigo. Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.”

Sumagot si Simon, “Panginoon, handa po akong mabilanggo o mamatay na kasama ninyo.”

Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Pedro, tandaan mo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”

Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Noong suguin ko kayo nang walang dalang pitaka, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo?”

Sumagot sila, “Hindi po.”

“Ngunit ngayon,” sabi ni Jesus, “Kung may pitaka o bag kayo, dalhin ninyo. At kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang damit ninyo at bumili kayo ng espada. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kailangang matupad ang sinasabing ito ng Kasulatan tungkol sa akin: ‘Itinuring siyang isang kriminal.’ At natutupad na ito ngayon!”

Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, may dalawa po kaming espada.”

“Tama na iyan,” sagot niya.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Tumayo ng Matatag

Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya.

Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”

May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”

Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.

“Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit hindi kayo mapapahamak. At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

“Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.

“May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay sa kalawakan. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios.

“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”

“Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon nang hindi ninyo inaasahan. Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Tungkol sa Kinabukasan

Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”

Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, “Patingin nga ng pera. Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?”

Sumagot sila, “Sa Emperador.”

Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.”

Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.

May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya. Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. At kinalaunan, namatay din ang babae. Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.”

Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’ Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”

Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , | Mag-iwan ng puna

Isang Tanong Lang

Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?”

Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios o sa tao?”

Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.”

Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas.

Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’

Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.

“Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.”

Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!”

Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan: ‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”

Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao.

Lucas

Nai-post sa Buhay, Mga libro, Pag-ibig, Panitikan | Tagged , , , , , , , , | Mag-iwan ng puna